Sabado, Agosto 22, 2015

Mitolohiya

FILIPINO - 10 

Ang salitang mitolohiya ay nangangahulugang agham o pag-aaral ng mga mito/
myth at alamat. Tumutukoy rin ito sa kalipunan ng mga mito mula sa isang pangkat
ng tao sa isang lugar na naglalahad ng kasaysayan ng mga diyos-diyusan noong
unang panahon na sinasamba, dinarakila at pinipintakasi ng mga sinaunang tao.
Ang salitang mito/myth ay galing sa salitang Latin na mythos at mula sa
Greek na muthos, na ang kahulugan ay kuwento. Ang muthos ay halaw pa sa mu,
na ang ibig sabihin ay paglikha ng tunog sa bibig. Sa Klasikal na Mitolohiya ang
mito/myth ay representasyon ng marubdob na pangarap at takot ng mga sinaunang
tao. Nakatutulong ito upang maunawaan ng mga sinaunang tao ang misteryo ng
pagkakalikha ng mundo, ng tao, ng mga katangian ng iba pang mga nilalang.
Ipinaliliwanag rin dito ang nakatatakot na puwersa ng kalikasan sa daigdig – tulad ng
pagpapalit ng panahon, kidlat, baha, kamatayan, at apoy. Ito ay naglalahad ng ibang
daigdig tulad ng langit at ilalim ng lupa. Hindi man ito kapani-paniwalang kuwento
ng mga diyos, diyosa, at mga bayani, tinuturing itong sagrado at pinaniniwalaang
totoong naganap. Karaniwang may kaugnayan ito sa teolohiya at ritwal.
Sa Pilipinas naman, ang mito ay kinabibilangan ng mga kuwentong-bayang
naglalahad ng tungkol sa mga anito, diyos at diyosa, mga kakaibang nilalang, at sa
mga pagkagunaw ng daigdig noon. Maaaring matagpuan ang mga mitong ito sa mga
kuwentong – bayan at epiko ng mga pangkat-etniko sa kasalukuyan. Mayaman sa
ganitong uri ng panitikan ang mga naninirahan sa bulubundukin ng Luzon, Visayas,
at Mindanao.
May kuwento tungkol sa pagkagunaw ng daigdig ang mga Ifugao. Inilarawan
sa kanilang epikong “ Alim” kung paano nagunaw ang daigdig. Ayon dito, nagkaroon
ng malaking pagbaha sa mundo at ang tanging nakaligtas ay ang magkapatid na
sina Bugan (babae), at Wigan (lalaki). Sa kanila nagmula ang bagong henerasyon
ng mga tao sa mundo.


Ang Mitolohiya ng Taga-Rome
Ang mitolohiya ng mga taga-Rome ay kadalasang tungkol sa politika, ritwal, at
moralidad na ayon sa batas ng kanilang mga diyos at diyosa mula sa Sinaunang
Taga-Rome hanggang ang katutubong relihiyon ay mapalitan na ng Kristiyanismo.
Kabayanihan ang isang mahalagang tema sa mga kuwentong ito. Itinuring ng mga
Sinaunang Taga-Rome na nangyari sa kanilang kasaysayan ang nilalaman ng mga
mito kahit ang mga ito ay mahimala at may elementong supernatural.
Ang kanilang mitolohiya ay hinalaw mula sa Greece na kanilang sinakop. Labis
nilang nagustuhan ang mitolohiya ng bansang ito, kaya inaangkin nilang parang kanila
at pinagyaman nang husto. Binigyan nila ng bagong pangalan ang karamihan sa mga
diyos at diyosa. Ang ilan ay binihisan nila ng ibang katangian. Lumikha sila ng bagong
mga diyos at diyosa ayon sa kanilang paniniwala at kultura.
Sinikap nilang ipasok ang kanilang pagkakakilanlan sa mga mitolohiyang
kanilang nilikha. Isinulat ni Virgil ang “Aenid,” ang pambansang epiko ng Rome at nagiisang
pinakadakilang likha ng Panitikang Latin. Isinalaysay ni Virgil ang pinagmulan ng
lahi ng mga taga-Rome at kasaysayan nila bilang isang imperyo. Ito ang naging katapat
ng “Iliad at Odyssey” ng Greece na tinaguriang “Dalawang Pinakadakilang Epiko sa
Mundo” na isinalaysay ni Homer. Si Ovid na isang makatang taga-Rome ay sumulat rin
ayon sa taludturang ginamit ni Homer at Virgil sa kaniyang “Metamorphoses.” Subalit
hindi ito tungkol sa kasaysayan ng Roman Empire o ng mga bayani, kundi sa mga
diyos at diyosa, at mga mortal na may katangian ng mga diyos at karaniwang mga
mortal. Lumikha siya ng magkakarugtong na kuwento na may temang mahiwagang
pagpapalit-anyo. Sa mga akdang ito ng mga taga-Rome humuhugot ng inspirasyon
ang mga manunulat at mga alagad ng sining sa buong daigdig mula noon hanggang
ngayon.

Ang labindalawang pinakadakilang diyos at diyosa ng Mitolohiya ng
Rome at Greece na kilala rin sa tawag na The 12 Great Olympian Gods.

Greek / Roman  - Katangian at Kapangyarihang Taglay
1. Zeus  / Jupiter
- hari ng mga diyos; diyos ng kalawaka at panahon
- tagapagparusa sa mga sinungaling at hindi marunong tumupad sa pangako
- asawa niya si Juno
- sandata niya ang kulog at kidlat

2. Hera / Juno
- reyna ng mga diyos
- tagapangalaga ng pagsasama ng mag-asawa,
- asawa ni Jupiter

3. Posiedon / Neptune
- kapatid ni Jupiter
- hari ng karagatan, lindol
- kabayo ang kaniyang simbolo

4. Hades / Pluto
- kapatid ni Jupiter
- panginoon ng impiyerno

5. Ares / Mars
- diyos ng digmaan
- buwitre ang ibong maiuugnay sa kaniya

6. Apollo / Apollo
- diyos ng propesiya, liwanag, araw, musika, panulaan
- diyos din siya ng salot at paggaling
- dolphin at uwak ang kaniyang simbolo

7. Athena / Minerva
- diyosa ng karunungan, digmaan, at katusuhan
- kuwago ang ibong maiuugnay sa kaniya

8. Artemis /  Diana
- diyosa ng pangangaso, ligaw na hayop, at ng buwan

9. Hephaestus / Vulcan
- diyos ng apoy, bantay ng mga diyos

10. Hermes Mercury
- mensahero ng mga diyos, paglalakbay, pangangalakal, siyensiya, pagnanakaw, at panlilinlang

11. Aphrodite / Venus
- diyosa ng kagandahan, pag-ibig,
- kalapati ang ibong maiuugnay sa kaniya

12. Hestia / Vesta
- kapatid na babae ni Jupiter
- diyosa ng apoy mula sa pugon

Ang mga nabanggit mula sa aklat na Mitolohiya ni Hamilton ay mahahalagang
tauhan sa Olympus na laging nababanggit sa panulat lalo na noong Panahong
Klasiko. Ang impluwensiya ng panahong ito’y nasasalamin sa ating panitikan noong
Panahon ng Panitikang Katutubo kung saan ang unang uri ng panitikan ng Pilipinas
ay pasalin-dila tulad ng alamat, mito, kuwentong-bayan, epiko, at mga karunungangbayan.
(mula sa Panitikan ng Pilipinas nina Panganiban, Panganiban,1998)

Sanggunian:

Modyul sa Filipino 10

mula sa Literature – World Masterpieces, (Prentice Hall,1991) at Panitikan sa
Pilipino 2 ( Pandalubhasaan), (GONZALES,1982)